Bloody Mary

Tahimik at tulala si Mei habang nakaupo sa kama ni Sandy at hawak-hawak ang duguang kotsilyo. Walang bahid ng kung anong ekspresyon na makikita sa kanyang mukha, di mo alam kung ano ang kanyang iniisip o nararamdaman. Siya ay nagmistulang bingi sa ingay ng telebisyon at tila hindi pansin ang lagkit ng dugo sa kanyang mga kamay. Mapagkakamalan mong hindi siya humihinga sa halos di mapansing pagtaas baba ng kanyang dibdib upang pumakawala ng tila panatag na paghinga.

Sa sahig ay nakahandusay ang malamig na bangkay ni Sandy; naliligo sa sariling dugo, laslas ang lalamunan at tadtad ng saksak ang dibdib. Bakas sa mukha nito ang sindak sa karumal-dumal na sinapit. Ang bibig na kanina’y pinagmumulan ng makapanindig-balahibong tili ngayon ay bahagyang nakabuka at nakangiwi na tila ba nakakaramdam pa rin ng kirot ang bangkay. Nagsisimula nang matuyo ang dugo na kanina’y dumadaloy mula sa magkabilang gilid ng bibig nito. Nakatirik ang mga matang pinanawan na ng ningning at para bang napako sa pagkakatingin sa kawalan.

Ang mga mata ni Mei ay biglang kumisap at ipinako ang tingin kay Sandy, na hindi iginagalaw ang kanyang ulo. Walang kakurap-kurap ang mga mata ng dalaga habang pinagmamasdan ang duguang bangkay sa sahig. Ang kanyang mga mata ay parang matatalim na punyal na tumatagos sa laman ng patay. Biglang tumunog ang kanyang cellphone, at dito ay parang natauhan siya. Agad niyang nilagay ang kotsilyo sa kama, at nang mapansin ang dugo sa kanyang mga kamay ay dali-dali niya itong pinunasan ng maigi gamit ang bedsheet. Pagkatapos ay dinukot niya ang cellphone sa kanyang bulsa, sabay tayo at patay sa telebisyon. Saglit niyang tinignan kung sino ang tumatawag, at itinapat ang cellphone sa kanyang tenga.

“Hello?” sabi niya habang nakatitig sa bangkay ni Sandy.

Isang pilyang ngiti ang gumuhit sa kanyang mukha habang pinakikinggan ang nasa kabilang linya, na parang walang nangyari.

“Gaga. Gimik ka dyan. Nag-aaral po kaya ako dito,” balik niya sa kausap.

Muli siyang napatingin sa bangkay ni Sandy sa sumunod na tanong ng kausap sa cellphone.

“Human anatomy,” sagot niya na may pilyang ngiti sa mga labi, at muling natahimik upang bigyang daan ang nasa kabilang linya.

“Loka ka talaga,” hagikhik niya. “Sige na nga. See you there 9:30. Sige, bye bye na muna at tatapusin ko lang ‘to. See ya. Mwah mwah.”

Napatingin si Mei sa oras sa hawak na cellphone. Pasado alas otso. May panahon pa, sa isip niya habang nakatingin kay Sandy. Ibinalik niya ang cellphone sa kanyang bulsa at dinampot ang kotsilyo sa kama. Dahan-dahan siyang tumayo at parang lasing na lumapit sa katawang nakahandusay sa sahig. Wala na ang ngiti na kanina’y gumuguhit sa kanyang mukha. Ito ay napalitan ng mukha ng isang taong walang damdamin. Walang awa. Ang mga mata ay puno ng poot at galit. Mga matang parang dalawang bolang apoy. Mga apoy ng impiyerno.

Kinabukasan ay laman sa radyo at telebisyon ang pagkakatagpo sa bangkay ni Sandy Murano sa apartment nito sa University belt. Pugot ang ulo at kinatay na parang baboy. Ang mga laman-loob ay nagkalat sa ibabaw ng kama. Ang ulo ay natagpuan sa loob ng rice cooker. Walang mahanap na saksi o lead ang pulisya na makakapagturo kung sino ang may gawa sa karumal-dumal na krimen. Ang tanging palatandaan mula sa salarin ay ang pangalang “BLOODY MARY” na nakaukit sa noo ng pugot na ulo.

WAKAS

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s